Ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang dahilan ng naranasang partial blackout sa mga lugar sakop ng Panay nitong araw ng Biyernes.
Ayon sa DOE, tatlong unit ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) ang nag-shutdown noong Biyernes, 6:59 ng gabi, dahilan upang magkaroon ng partial blackout ang Panay sub-grid at ilang bahagi ng Negros.
Unti-unti namang naibalik ang kuryente sa mga apektadong lugar matapos mag-online na muli ang mga units ng PEDC magmula ng gabi ng Biyernes hanggang 8:55 kahapon ng umaga.
Patuloy namang nag-a-undergo sa regular maintenance hanggang sa ika-30 ng Marso ang isa pang unit na nasa ilalim ng Palm Concepcion Power Corporation (PCPC).
Ilang hakbang naman ang inilatag ng DOE para sa pagpapalakas ng Panay grid tulad ng paggamit ng 10% headroom sa mga large coal plant sa lugar bilang short-term measure at ang pag-integrate ng mga renewable source at pag-kumpleto ng mga transmission projects bilang bahagi naman ng long-term solutions.
Inaasahan na sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan ay mapatatatag pa ang Panay grid sa tulong ng Cebu-Negros-Panay transmission upgrade at pagtatapos ng regular maintenance shutdown ng PCPC.
Nanawagan naman ng kooperasyon ang DOE sa pagitan ng generators, distribution utility, at system operator sa Panay. Gayundin sa publiko na magtipid ng kuryente habang hinihintay matapos ang mga maintenance at proyekto sa katapusan ng Marso. | ulat ni EJ Lazaro