Pinaplantsa ngayon ng Department of Finance (DOF) ang panukalang package 4 ng Comprehensive Tax Reform Program upang gawing simple ang pagbubuwis ng mga passive income, financial intermediaries at financial transaction.
Layon din ng panukala na gawing episyente ang tax system at palakasin ang competitiveness ng capital market ng bansa.
Kamakailan, nagsagawa ng stakeholders briefing ang DOF upang talakayin ang nilalaman ng proposed tax measure.
Kasama sa briefing ang mga kinatawan ng iba’t ibang chamber of commerce and industries, Bangko Sentral ng Pilipinas, ilang government agencies at mga industry organization.
Ang naturang panukalang batas ay kasalukuyang nasa technical working group na nilikha ng Senate Committee on Ways and Means, habang pasado na ito sa Mababang Kapulungan.
Sa ilalim ng patnubay ni Finance Secretary Ralph Recto, target ng refinement ng panukala na mapanatili ang istraktura ng ilang produkto at instrumento habang ipinagpapaliban naman ang pagpapatupad ng ilang probisyon sa taong 2028. | ulat ni Melany Valdoz Reyes