Welcome kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang suporta ng Department of Finance (DOF) sa kampanya nito kontra mapang-abusong mga kawani ng ahensya.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ng DOF sa dismissal ng ilang BIR personnel na sangkot sa magkakaibang reklamo kabilang ang Grave Misconduct, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Reasonable Office Rules and Regulations.
Ayon pa sa BIR, suportado rin ng DOF ang dismissal ng isang kawani nitong dawit sa tampering ng Point of Sales-Cash Register Machine (POS-CRM).
Sinabi ni BIR Commissioner Lumagui na nakatutok na ito sa posibleng sindikato na nasa likod ng pagtamper sa POS-CRM machines at kung mapapatunayang may kawaning sangkot dito ay agad tatanggalin at ipakukulong.
“The BIR is closely monitoring syndicates that tamper POS-CRM machines. Once discovered, we will file criminal cases against all conspirators. If there is a BIR employee involved, aside from the criminal case, we will immediately remove you from office,” pahayag ni Commissioner Lumagui.
Matatandaang noong Mayo ng 2023, nang magsampa ng kasong kriminal ang BIR laban sa isang personnel na kasabwat ang asawa sa pagbebenta ng tampered POS CRM machines para magamit sa pandaraya ng buwis.
“Walang lugar sa Bagong BIR at sa Bagong Pilipinas ang mga kawani na sila mismo ang tumutulong paano mangdaya ng buwis gamit ang POS-CRM machines. Tatanggalin namin kayo sa pwesto, ipapakulong din namin kayo. Kayo dapat ang ehemplo sa tamang pagbayad ng buwis,” ani Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa