Binibigyang paalala ng Department of Health (DOH) ang publiko partikular na ang mga motorista na mas maging pasensyoso at bigyang-pansin ang kaligtasan sa kalsada ngayong Semana Santa.
Ayon sa DOH, inaasahan taon-taon ang dagsa ng mga motorista sa mga kalsada ngayong Holy Week gawa ng pagpunta ng ating mga kababayan sa kani-kanilang mga probinsya, tourist spots, at mga simbahan, kaya naman pinapayuhan nito ang lahat na magign pasensyoso at maging responsable sa pagmamaneho.
Ilang tips din ang ibinahagi ng kagawaran upang malayo sa kapahamakan sa kakalsadahan tulad ng pagsiguro na maayos at regular na sinusuri ang mga sasakyan, lalo na bago ang mga mahahabang biyahe. Mahalaga rin, ayon sa DOH, ang tamang pahinga ng drayber at ang pag-iwas sa pag-inom ng alak bago at habang nagmamaneho.
Dagdag pa dito, pagtuon ng pansin sa kalsada at pag-iwas sa mga distraction tulad ng paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at ang pagkakaroon ng pahinga sa mahahabang biyahe. Kabilang pa riyan ang pananatiling hydrated sa pamamagitan ng regular na pag-inom ng tubig.
Nauna na ring inanunsyo ng DOH, ang pagtataas ng Code White Alert sa lahat ng ospital sa bansa ngayong Holy Week para sa pagsiguro na may handang mga medical personnel at staff para sa mga paparating na pasyente.| ulat ni EJ Lazaro