Naglabas ng pahayag ang Department of Tourism (DOT) kaugnay sa itinayong resort development ng Captain’s Peak sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Ayon sa DOT, hindi accredited bilang isang tourism establishment sa ilalim ng kanilang accreditation system ang naturang resort at wala rin itong pending na aplikasyon para sa accreditation.
Paliwanag ng DOT, nagkaroon na ng koordinasyon ang DOT Regional Office sa Central Visayas sa Bohol Provincial Government simula pa noong August 2023 dahil sa ginagawang development ng resort.
Iginiit din ng DOT na sinusuportahan nito ang preservation at protection ng Chocolate Hills na idineklarang UNESCO Global Geopark at nagsisilbing national pride ng Pilipinas.
Samantala, pinuri naman ng DOT ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa maagap na aksyon at paghahain ng Temporary Closure Order at pag-inspeksyon sa resort upng matukoy kung sumusunod ito sa compliance order.
Bagamat mahalaga anila ang ang development sa paglago ng bansa, dapat ito ay naaayon sa pag-iingat ng kapaligiran at kultura.
Hinimok naman ng DOT ang mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, at lokal na komunidad na magtulungan tungo sa sustainable at responsible tourism practices.| ulat ni Diane Lear