Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na paiigtingin nito ang kanilang kampanya laban sa mga travel scam sa pamamagitan ng malawakang information dissemation drive sa iba’t ibang transport hubs sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2024 ng ahensya at upang makaiwas ang mga pasahero sa mga travel at vacation scam lalo pa’t inaasahang maraming uuwi at magbabakasyon sa mga probinsya sa Mahal na Araw.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Hector Villacorta, ipatutupad ng DOTr ang malawakang information drive sa mga paliparan, pantalan, bus terminal, at train station.
Katuwang ng DOTr sa nasabing insiyatibo ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine National Police (PNP), at Scam Watch Pilipinas na nagpaalala sa mga pasahero na bibiyahe sa Semana Santa na suriin ang kanilang mga online transaction.
Pinapayuhan din ang publiko na i-report ang cyber at travel scams sa pamamagitan ng DOTr Commuter Hotline na 0920-964-3687 o kaya ay sa Hotline Number 1326.| ulat ni Diane Lear