Asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa bahagi ng Ortigas Avenue Extension na sakop ng Brgy. Dolores sa Taytay sa Rizal.
Ito’y dahil bukod sa morning rush hour ay nadagdagan pa ito ng nangyaring aksidente kaninang alas-4 ng madaling araw kung saan, isang babaeng backrider ng sinasakyan nitong motorsiklo ang nasawi.
Ayon sa driver ng bus, aminado siyang nababagalan ito sa motorsiklong kaniyang nasa harapan kaya siya nag-overtake.
Nabatid na papakaliwa na sana ang motorsiklo na sinasakyan ng mag-asawang galing sa Palengke ng Taytay habang binabagtas ang Ortigas Avenue Extension nang mangyari ang aksidente.
Inabot ng halos dalawang oras bago makarating sa lugar ng aksidente ang mga operatiba ng SOCO para sa pagpoproseso sa katawan ng biktima.
Sa ngayon, hawak na ng mga Pulis ang driver na ipaghaharap ng reklamong Reckless Imprudence resulting to homicide, Reckless Imprudence resulting to Physical Injury at Damage to Property.
Abot-abot ang pagsisisi ng naturang driver ng bus subalit handa niyang harapin ang mga reklamong isasampa laban sa kaniya. | ulat ni Jaymark Dagala