Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lahat ng reklamo ng paglabag ng kanilang mga tauhan sa “Violence Against Women and Children” (VAWC) Act ay kanilang masusing iniimbestigahan at dinadaan sa due process.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla sineseryoso nila ang lahat ng alegasyon sa mga kasapi ng kanilang organisasyon at lahat ng mga reklamo ay dumaan sa kanilang Office on Ethical Standards and Public Accountability (OESPA) at Office of the Provost Marshall General (OTPMG).
Dagdag pa niya, katuwang ang AFP Gender and Development Office, nire-review ng OESPA at OTPMG ang lahat ng mekanismo para makagawa ng mga polisiya na makatutulong sa pagiging “professional” ng AFP.
Matatandang kamakailan lang ay na-bypass ng Commision on Appointments si Army Colonel Ranulfo Sevilla sa promosyon nito sa pagiging brigadier general.
Dahil ito sa alegasyon ng pananakit sa kanyang asawa at kulang na sustento sa kanyang anak, bagay na ipinaliwanag naman ni Sevilla sa kanyang pagharap sa Camp Aguinaldo kahapon. | ulat ni Leo Sarne