Nagpaalala ang Philippine Embassy sa Saudi Arabia na hanggang sa ika-15 ng Marso na lamang ang aplikasyon para sa Shariah Bar exams na gaganapin sa Abril sa Maynila.
Ayon sa embahada, ang Supreme Court ay nag-aalok na magbigay ng travel at accommodation para magkaroon ng pagkakataong makalahok sa bar exam ang mga Pilipinong nasa Saudi.
Ang Shari’ah, o batas ng Islam ay ipinatutupad sa sistemang legal ng Pilipinas at naaangkop lamang para sa mga kapatid na Muslim.
Ang mga hukuman ng Shari’ah sa bansa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Korte Suprema ng Pilipinas.
Upang maging abogado sa ilalim ng sistema ng hukuman ng Shari’ah ng Pilipinas, kailangan munang makapasa sa Shari’ah Bar Exam.
Una nang naglabas ng abiso si Office of the 2024 Shariah Bar Chairperson, Associate Justice Maria Filomena Singh hinggil sa grant application guidelines para sa mga kukuha ng nasabing pagsusulit na mababasa naman sa official social media pages ng korte suprema. | ulat ni AJ Ignacio