Pinatitiyak ni Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na magkakaroon ng contingency plan ngayong painit nang painit ang panahon, para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa gitna ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Gatchalian, ang epekto ng El Niño ay magiging isang malaking problema hindi lamang sa usapin ng seguridad sa pagkain kung hindi pati na rin sa seguridad sa enerhiya.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga planta ng kuryente ay madaling bumigay pagdating ng tag-init dahil sa mas mataas na demand.
Giit ng senador, para mapawi ang epekto ng mas tuyong kondisyon ng panahon kailangang tiyakin ng DOE na ang lahat ng kinakailangang pagkukumpuni at preventive maintenance ay maisagawa na upang maiwasan ang brownout.
Para aniya pagdating ng summer ay lahat ng mga planta ay masisigurong tumatakbo ng buong kapasidad at kailangang mamonitor ito nang mabuti. | ulat ni Nimfa Asuncion