Kinondena ng Estados Unidos ang paulit-ulit na panggugulo ng China sa pag-ehersisyo ng Pilipinas ng freedom of navigation sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ay inilabas ng US State Department kasunod ng huling insidente sa WPS kahapon kung saan binangga at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Estados Unidos, ang aksyon ng China ay nagpapakita ng kanilang pagwalang-bahala sa kaligtasan at kabuhayan ng mga Pilipino at sa International Law.
Giit ng Estados Unidos, walang karapatan ang China na angkinin ang karagatan sa palibot ng Ayungin Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ang Estados Unidos kasabay ng panawagan sa China na tigilan ang kanilang mapanganib at “destabilizing” na pagkilos.
Muling binigyang diin ng Estados Unidos na saklaw ng Mutual Defense Treaty ang armadong pag-atake sa mga barko ng Pilipinas sa WPS. | ulat ni Leo Sarne
📷: AFP