Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kawani ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na nasa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang tukuyin at i-assess ang panibagong breach ng mga hacker na muling pinuntirya ang opisyal na Facebook page nito.
Ito na ang ika-apat na pagkakataon ngayong taon kung saan muling nabiktima ng cyber attack ang FB page ng PCG, at pinakahuli na rito ang nangyari nito lamang Biyernes Santo bandang 12:30 ng hapon, ayon sa ahensya.
Maaalalang noong Pebrero 26 isa ring hacking incident mula sa mga sinasabing “unknown identity” ang nag-upload ng dalawang maikling video sa PCG FB page kasabay ng pagkawala ng access nito sa FB page na nabawi lamang noong ika-29 ng Pebrero.
Ika-15 ng Pebrero nang ma-hack din ang X account ng PCG, na nabawi rin makaraang ang ilang oras.
Ikatlo naman ng Pebrero nang kinumpirma ng DICT na isa ang website ng PCG sa iba pang mga website ng gobyerno na nabiktima ng mga cyber attacks na ginawa mula sa isang internet protocol (IP) address na mula sa China.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin nababawi ng PCG ang kontrol nito sa kanilang FB page at patuloy pa rin ang may kontrol sa kanilang account sa pag-share ng mga “malicious short videos.”| ulat ni EJ Lazaro