Malaki ang kumpiyansa ni Finance Secretary Ralph Recto na hindi gaanong makakapagdulot ng inflation ang umiiral na El Niño sa bansa.
Sa naging pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa kumpirmasyon ni Recto, pinunto nitong nasa downward trend na ang inflation sa Pilipinas.
Base rin aniya sa mga usapan nila ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ay tiniyak nitong handa ang bansa sa epekto ng El Niño.
Halimbawa na aniya ang assurance ng DA secretary na maganda ang ani ng bigas ngayong taon dahil maraming nagtanim at gumamit ng drought resisting seed.
Maganda rin aniya ang surplus ng manok, itlog at mga gulay.
Nakahanda rin aniya ang bansa dahil sa kakapirma lang na kasunduan ng Pilipinas at Vietnam tungkol sa pag-aangkat ng bigas kung kailangan ng ating bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion