Patok ngayon sa mga mamimili sa Marikina City Public Market ang frozen meat bunsod na rin ng mataas na presyo ng sariwang karne ng baboy.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, aabot sa ₱100 ang deperensya sa presyo ng frozen at sariwang karne.
Halimbawa na lamang sa kasim na na nasa ₱240 ang kada kilo sa frozen habang kung sariwa naman ay nasa ₱330 ang kada kilo.
Ang liempo naman, nasa ₱270 ang kada kilo sa frozen habang ang sariwa naman ay nasa ₱370 ang kada kilo.
Kalimitang namimili ng mga frozen meat ay ang mga may-ari ng karinderya at may canteen na pinatatakbo dahil mas malaki ang kanilang natitipid.
Kumpiyansa naman ang mga ito na ligtas ang kanilang binibiling produkto dahil pinakukuluan nila itong maigi bago lutuin.
Nabatid na batay sa datos ng Department of Agriculture, nasa ₱370 hanggang ₱420 ang kada kilo ng liempo sa ilang mga palengke na mas mahal sa kabila ng mababang farm gate price nito. | ulat ni Jaymark Dagala