Isasagawa sa international waters sa West Philippine Sea (WPS) ang Group Sail Activity ng nalalapit na Balikatan Military Exercise sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at U.S. Military kasama ang iba pang kaalyadong bansa.
Sa pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Balikatan Executive Agent Colonel Michael Logico, na ito ang unang pagkakataon na gagawin sa labas ng 12 nautical mile territorial limit ng Pilipinas ang sabayang paglalagay ng mga pwersang pandagat ng mga kalahok sa ehersisyo.
Pero nilinaw ni Col. Logico na ito ay nasa loob pa rin ng 200 nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS kaya may karapatan ang mga pwersa ng Pilipinas na mag-operate sa lugar.
Ayon kay Logico, ang Group Sail ay demonstrasyon ng determinasyon ng AFP na ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas at may mga kaalyado ito na handang tumulong.
Sinabi ni Logico na lalahok sa Group Sail ang apat na barko ng Philippine Navy, isang barko ng French Navy, at ilan pang mga barko mula sa US Navy, US Coast Guard, at Philippine Coast Guard. | ulat ni Leo Sarne