Umabot sa 87 tonelada ang nakuha sa isinagawang Cebu Citywide Cleanup Challenge kaninang umaga, Marso 16.
Ayon kay Cebu City Environment and Natural Resources Officer, Reymar Hijara nasa mahigit 2,000 volunteers na kinabibilangan ng national government agencies, Cebu City Hall employees, barangay officials at iba pang organisasyon ang nakilahok sa ika-15 city wide cleanup challenge.
Base sa tala ng CCENRO, mayorya ng mga nakuhang basura ay mula sa walong ilog sa lungsod na kinabibilangan ng Lahug River (29.5 tonelada) , Guadalupe River (19 tonelada), Mahiga River (18 tonelada), Kinalumsan River (8 tonelada), Bulacao River (4.6 tonelada), Butuanon River (3.48 tonelada), Estero de Parian (3.2 tonelada); at Tagunol River (1.6 tonelada).
Sa kanyang mensahe bago isinagawa ang paglilinis, sinabi ni Mayor Rama na kailangang ugaliin ng mga residente ang paglilinis ng kanilang paligid at tamang pagtapon ng basura upang hindi magbara ang mga ilog na siyang tinuturong dahilan ng mga nararanasang pagbaha sa lungsod. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu