Nagpahayag ng suporta si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa plano ng Philippine Coconut Authority (PCA) na magtanim ng P8.5 milyon na coconut seedling ngayong taon.
Ito ay bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 million seedlings hanggang 2028 at gawing pinakamalaking coconut exporter ang Pilipinas.
Suportado rin ng mambabatas ang plano ng PCA na pumasok sa Memorandums of Agreement kasama ang mga LGU na pangunahing producer ng niyog sa pagpapatupad ng planting at replanting activities, seed farm development at coconut fertilization, at iba pang inisyatiba.
Malaking tulong ani Villafuerte ang pagbibigay sa mga magsasaka ng mga bagong kaalaman sa pagpaparami ng bunga.
Sa kasalukuyan aniya kasi, nakararami sa 2.5 million na magsasaka ng niyog ang naninirahan sa ibaba ng poverty threshold at inaasahang madaragdagan ito kung hindi kikilos ang pamahalaan.
Isa sa mga hamon aniya sa mga magniniyog ngayon ay ang pagbaba sa nakukuhang bunga.
Mula average na 46 noong 2009 sa bawat puno ay bumaba ito sa 44 noong 2019 na malayo sa 80 hanggang 100 na ani sa India at Indonesia.
Mas mababa pa aniya sa Camarines Sur kung saan ang ani kada puno ay 34 na niyog na lang dahil matatanda at mahina na ang mga puno ng niyog. | ulat ni Kathleen Forbes