Kumpiyansa si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na lalo pang aangat ang mga Pilipino kung mabibigyan ng pagkakataon na pumasok ang mga foreign educational institution sa bansa.
Ayon kay Suansing na nakapagtapos ng Master’s degree in Public Policy sa Harvard University, sana ay makita ng mga may duda pa sa ipinapanukalang economic charter change ang benepisyong dala ng mga foreign educational institution.
Maliban sa pagbibigay ng international standard na edukasyon, makakabenepisyo din aniya ang sarili nating mga guro at propesor sa pamamagitan ng knowledge transfer training.
Pinawi naman ni Suansing ang pangamba ng ilan, na mabawasan ang pagka-Pilipino ng mga mag-aaral na papasok sa foreign educational institutions na ito.
Aniya, hindi naman aalisan ng oversight function ang Department of Education at Commission on Higher Education.
Maaari rin aniyang gayahin ang panuntunan ng Indonesia na naglatag ng mga paksa o asignatura na kaugnay sa kanilang kultura, paniniwala at lengguahe na dapat ituro sa naturang foreign schools.
Sabi pa ni Suansing, na sa kaniyang pag-aaral sa Harvard ay lumutang ang galing at talino ng mga Pilipino, at hangad niya na lalo pa ito mahasa sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng banyagang mga eskuwelahan na mag-operate dito sa Pilipinas.
Hindi rin aniya dapat problemahin ang bayarin sa eskwelahan dahil ang mga institusyon na ito ay nagbibigay ng napakaraming scholarship.
Sa panig naman ni AKO Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, bilang isang graduate mula sa state university ng Bicol ay pinangarap din aniya niya na makapag-aral sa ibang bansa.
Kaya naman sana ay huwag pigilan ang pangarap ng mga estudyante na nais makapasok sa mga kilalang foreign schools ngunit wala naman kakayanan na makalabas ng bansa.
Naniniwala naman si Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, na oras na pumasok ang foreign schools sa Pilipinas ay makatutulong din ito na magkaroon ng kompetisyon.
Aniya, ang mga kasalukuyan nating unibersidad ay mas magpupursige na pagbutihin ang kalidad ng edukasyon at pagtuturo na kanilang ibinibigay, at maaaring mauwi rin sa pagpapababa ng mga tuition fee. | ulat ni Kathleen Forbes