Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista na iparehistro ang kanilang sasakyan sa gitna ng agresibong pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy.
Sa nakalipas na buwan ng Pebrero, kabuuang 7,252 sasakyan ang nahuli sa buong bansa
Sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza II na magtutuloy-tuloy pa ang panghuhuli ng delinquent motor vehicles sa mga susunod na araw.
Aniya ang renewal ng vehicle registration ay isa sa mga paraan para matukoy ang roadworthiness ng sasakyan na magtitiyak sa kaligtasan ng lahat ng road users.
Sa katunayan, may kabuuang 1,653 motor vehicles ang na-impound sa buong bansa noong nakaraang buwan lamang.
Ang agresibong pagsugpo sa mga delingkwenteng motor vehicles ay kaakibat ng pinaigting na kampanya laban sa mga colorum na sasakyan.
Batay sa ulat mula sa LTO Regional Offices, may 243 motor vehicles ang nahuli dahil walang permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa kabuuang bilang, 123 na sasakyan ang na-impound. | ulat ni Rey Ferrer