Kinuwestiyon ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagkabigo ng Bureau of Immigration (BI) na kumpiskahin ang alien certificate of registration identification card ng mga dayuhan mula sa mga na-raid na POGO companies.
Ginawa ng senador ang pahayag sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng nagiging talamak na paggamit ng mga dayuhan ng Philippine government documents kabilang na ang mga passport, birth certificate, at tax identification cards (TIN).
Sinabi naman ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan na lahat ng ACR I-cards at mga visa ng mga dayuhan mula sa mga na-raid na POGO hub ay nabawi na matapos ang ilang linggo o buwan matapos ang operasyon.
Pinaliwanag rin ng opisyal na hindi lang nako-confiscate ang mga ACR I-cards mula sa mga dayuhan kung hindi sila ang namumuno ng operasyon.
Iminungkahi naman ni Gatchalian sa BI na kumpiskahin ang physical cards ng mga dayuhang bahagi ng nare-raid na POGO hubs dahil maaari pa aniya itong maipresenta bilang mga valid ID sa ibang ahensya ng gobyerno.
Ito lalo na aniya’t hindi agad nalalaman ng ibang ahensya ng gobyerno kung valid ang impormasyon na nakalagay sa ID na ipinepresenta sa kanila.
Sinegundahan rin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang panawagan ni Gatchalian sa BI.
Babala ni dela Rosa, maaaring magresulta pa sa iba’t ibang klase ng krimen kung hindi makukumpiska ng BI ang physical ACR I-cards ng mga dayuhan mula sa mga raided POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion