Nagpaabiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa mga isasagawang road repair and reblocking sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila sa darating na long weekend.
Ayon sa MMDA, epektibo ang naturang pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) simula alas-11 ng gabi ng Miyerkules Santo, March 27 hanggang alas-5 ng umaga ng Lunes, April 1.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes, magandang pagkakataon ang ipatutupad na 24-oras na road works sa panahon ng long weekend kung kailan, karamihan ay nasa mga lalawigan para magbakasyon.
Sa mga ganito ring panahon ani Artes, kakaunti lamang ang mga bumibiyaheng sasakyan sa Metro Manila kaya’t hindi aniya ito magdudulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Kaya naman pinapayuhan ng MMDA ang mga motorista na bisitahin ang kanilang social media pages hinggil sa mga apektadong lugar na pagdarausan ng road repairs at kung maaari ay maghanap ng alternatibong ruta.
Ipinabatid pa ni Artes na suspendido rin ang pagpapatupad ng number coding scheme sa Huwebes Santo, March 28 at Biyernes Santo, March 29. | ulat ni Jaymark Dagala