Nananawagan ang health workers sa Department of Health na ipagkaloob na sa kanila ang kabayaran sa kanilang Health Emergency Allowances (HEA).
Ayon kay Ronald Richie Ignacio, tagapagsalita ng United Private Hospital Unions of the Philippines o UPHUP, nasa DOH na ang pondo mula pa noong buwan ng Enero 2024.
Batay sa nakalap na impormasyon mula sa Department of Budget and Management (DBM), mahigit P91 billion na ang nailabas na pondo sa DOH para mabayaran ang HEA ng health workers.
Naglabas ang DBM ng P12.1 billion para mabayaran ang HEA noong 2021, mahigit P28 billion noong 2022, P31.1 billion noong 2023, at P19.962 billion naman ngayong 2024.
Ang huling P19 billion ay inilabas ng DBM sa DOH noong Enero 1, 2024, maliban pa sa dalawang bilyong pisong nakalagak pa sa unprogrammed appropriations.
Sabi pa ni Ignacio na sa kabila ng nailabas nang pondo ay P64 billion pa lamang ang naipamimigay ng DOH sa health workers.
Nahihirapan din aniya ang DBM na ma-compute ang kabuuang kakulangan sa pondo para sa HEA dahil bigong magsumite ang DOH ng detalyadong report at accounting kung ilang tao na ang kanilang nabayaran. | ulat ni Rey Ferrer