Umaasa si House Appropriations Committee Chairperson at AKO BICOL Party-list Representative Elizaldy Co na mapalakas na rin ng Pilipinas ang medical tourism nito kasunod ng pagbubukas ng isa na namang specialty hospital.
Kamakailan lang nang pasinayaan ang Philippine Cancer Center sa Quezon City na magsisilbing pangunahing ospital at research center para tugunan ang sakit na cancer.
Sabi ni Co, bahagi ito ng legacy project ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinuportahan ng House leadership sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Katabi ng PCC ang iba pang specialty hospitals gaya ng heart, lung at kidney kaya naman umaasa ang mambabatas na maging katulad ito ng Singapore na sikat sa medical tourism.
Positibo naman si Co na hindi mababalam ang operasyon ng cancer center magpalit man ng adminsitrasyon.
Mayroon naman kasi aniyang P600-700 billion na pondo ang PhilHealth maliban pa sa Medical Assistance to Indigent Patients.
Ang kailangan lang aniya ay magamit ng tama ang naturang pondo.
Target na matapos ang pagpapatayo sa 20 palapag na cancer center sa 2026 o 2027. | ulat ni Kathleen Jean Forbes