Pinuri ni Deputy Speaker David ‘Jayjay’ Suarez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naging mahalagang papel nito para sa pagpapadala ng Estados Unidos ng kauna-unahan nitong trade mission sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan sa sinabi ni Suarez, na marapat lang batiin ang punong ehekutibo dahil isa ito sa mga bunga ng kaniyang pag-iikot sa ibang mga bansa.
“napakalaking karangalan at oportunidad po ito sa ating bansa na sana huwag po natin sasayangin at gusto ko pong kilalanin, of course, yung efforts ng ating Pangulo, President Ferdinand Bongbong Marcos, because it is true his numerous visits and trips abroad that allowed this trade missions to happen to the country. So again, congratulations to our president.
Umaasa naman si Suarez, na hindi sasayangin ng Pilipinas ang oportunidad na dala ng trade mission.
Punto pa nito, na magandang pagkakataon na ang kanilang pagbisita ay natapat sa panahong tinatalakay ang panukalang economic charter change.
Para kay Suarez, isa itong ‘welcoming signal’ lalo na sa mga negosyanteng bahagi ng trade mission na bukas ang Pilipinas sa pagtanggap ng dagdag pang foreign direct investments.
Sabi naman ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na mula sa minorya, noong una ay kinukwestiyon ang madalas na biyahe ng Pangulo ngunit ngayon naman masasabi na nagbunga na ito dahil sa pagiging consistent ng adminsitrasyon.
Sabi naman ni Cagayan de Oro 1st district Rep. Lordan Suan, pinakamainam na tugon para sa mga bunga ng pag-iikot ng Pangulong Marcos Jr. para makahikayat ng mga mamumuhunan ay ang tuluyang pagsasakatuparan sa economic charter change.
Ang dalawang araw na Presidential Trade and Investment Mission ay pangungunahan ni United States Department of Commerce Sec. Gina Raimondo kasama ang pinuno ng higit sa 20 US business companies. | ulat ni Kathleen Forbes