Nagpahayag ng buong suporta si House Committee on Labor and Employment Committee Chair Fidel Nograles sa panukalang batas na magbibigay ng employment opportunity para sa senior citizens.
Ito’y matapos pagtibayin ng joint committees on Ways and Means at Senior Citizens ang “Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act.”
Sabi ni Nograles, dahil sa hirap na rin ng buhay mayroon pa ring mga senior citizen na kailangan magtrabaho ngunit hindi natatanggap dahil nga sa kanilang edad.
Diin niya, hindi dapat maging hadlang ang edad, kasarian, at pisikal na abilidad sa pagtatrabaho.
“The Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act is a noble proposal that would help ensure the inclusion of the elderly. As coping with daily living becomes more difficult, senior citizens are being compelled to work, but many of them are being turned away despite still having so much to offer,” aniya
Pangungunahan ng Department of Labor and Employment ang pagtatag ng isang sistema upang itugma ang mga senior citizen sa available na trabaho.
Bibigyang insentibo naman sa pamamagitan ng 25 percent tax deduction sa laobr cost ang mga kumpanya na kukuha ng mga senior citizen.
Sa hiwalay namang pulong balitaan, sinabi ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre, ipinapakita ng panukala nito ang pagkilala ng Kamara sa potensyal pa at mga maaaring i-ambag ng mga senior citizen bilang labor resource.
Aniya, sa kabila ng edad ay may malawak naman silang karunungan at kaalaman na maaari pang ibahagi sa lipunan.
Sabi pa niya, na kung kaya pa naman gampanan ng mga senior citizen ang trabaho ay huwag magkaroon ng diskriminasyon sa kanilang hanay.