Kasama sa ikinokonsidera ng House Committee on Labor and Employment ang posibilidad na magpatupad ng “wage subsidy” upang pasanin ang taas-sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Committee Chairperson at Rizal Rep. Fidel Nograles, isa ito sa mga lumutan na suhestyon matapos isalang sa unang deliberasyon ang mga panukala na nagtutulak para sa legislated wage hike.
Aniya, kailangang kunin ang panig ng economic managers kung kakayanin ng gobyerno na sagutin ang naturang subsidiya.
Bukod sa subsidiya, sinabi ni Nograles na hahanap sila ng mga hakbang na makatutulong upang magkaroon ng win-win situation para sa lahat.
“A number of sectors have raised the possibility of government subsidizing the proposed wage increase during the hearing. I think this is a sound idea, but we also have to ask our economic managers whether the government can also cover the cost of such subsidies,” sabi ni Nograles.
Sa naturang pagdinig, ibinahagi ni Cavite Rep. Jolo Revilla, isa sa nagpapanukala ng P150 wage hike, na noong 2020, ang average na monthly daily wage ng isang manggagawa sa Pilipinas ay nasa P15,200 at isa sa mga pinakamababa sa 110 na mga bansa.
Tinukoy naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na 1989 pa nagkaroon ng huling legislated wage hike, kaya naman panahon na aniyang magpatupad ng panibagong umento sa sahod.
Iminungkahi naman ng Congressional Policy and Budget Research Department o CPBRD na palakasin ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP.
Ayon sa think tank ng Kamara, AKAP ay epektibong tugon para tulungan ang minimum wage earners at nasa “near poverty line” sa bansa na apektado ng inflation.
Paliwanag ng CPBRD, ang legislated wage increase ay “highly distortionary” dahil kung matuloy ang legislated wage increase ng minimum wage earners ay halos papantay na ito sa sweldo ng mga above minimum wage gayung magkaiba naman ang kanilang trabaho at productivity. | ulat ni Kathleen Jean Forbes