Hindi naitago ni Deputy Majority Leader Jude Acidre ang panghihinayang na hindi pa pinagtibay ng Senado ang panukalang Government Procurement Reform Act.
Bilang isa sa mga may-akda ng panukala sa Kamara, sinabi ni Acidre na nakakadismaya na hindi man lang ipinasa ng Senado sa ikalawang pagbasa ang naturang panukala gayong sinertipikahan na ito bilang urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“It’s quite disappointing lang actually. To be honest, especially when you’re one of the co-authors na despite the President’s call to certify, the President’s action to certify the said legislation as urgent, parang nagsi-alisan yata sila para sa IPU or nagpaplano munang pumunta sa IPU, sa biyahe,” saad ni Acidre.
Umaasa na lamang si Acidre na aaksyunan ito agad ng Senado, lalo at mahalaga ang lehislasyon na ito sa pangkabuuang economic at fiscal reform na itinutulak ng administrasyong Marcos.
Disyembre 12, 2023 nang pagtibayin ng Kamara ang kanilang bersyon na nakapaloob sa House Bill 9684 na layong i-modernisa ang procurement process ng bansa, at maisama din ang bagong auditing code. | ulat ni Kathleen Forbes