Diskumpiyado ang ilan sa House leaders sa inilabas na reulta ng survey ng Pulse Asia kung saan 74% ng mga Pilipino ang naniniwala na hindi dapat amyendahan ang 1987 Constitution sa ngayon.
Ayon kay House Majority leader Manuel Jose Dalipe, posibleng paraan lamang ito para siraan at dungisan ang ginagawang hakbang ng Kongreso na amyendahan ang restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Aniya, hindi na dapat isinama sa naturang survey ang mga tanong gaya ng term extension, pagpapalit ng porma ng pamahalaan at pagpapahintulot sa mga dayuhan na i-exploit ang ating natural resources gayong hindi naman ito ang bersyon ng amyenda na tinatalakay ng Kongreso.
“Why include questions that people don’t want and are not related to the ongoing process in Congress? Is this black propaganda?…Including unrelated questions in the survey only serves to confuse and mislead the public,” giit ni Dalipe.
Sabi pa ng mambabatas na hayaan na lang ang taumbayan ang humusga sa plebisito kung ano ang tunay nilang saloobin.
Sa panig naman ni Deputy Speaker David Suarez, malaki ang papel ng mga survey sa pagtaya ng opinyon ng publiko ngunit dapat aniya ay gawin ito sa isang patas na pamamaraan.
Ang naging survery aniya ng Pulse Asia ay hindi sinasalamin ang nilalaman ng kasalukuyang panukalang amyenda.
“The survey questions, particularly those addressing contentious issues such as term extension, foreign exploitation of natural resources, and a shift from a presidential to a parliamentary system of government, may have inadvertently skewed responses and fostered opposition to Cha-cha. The wording of survey questions should accurately reflect the actual provisions being proposed for amendment. Biased survey questions can distort public perception and hinder meaningful dialogue on constitutional reform,” ani Suarez.
Maging ang ‘young guns’ sa Kamara ay kinuwestyon ang naturang survey dahil sa pagiging biased ng mga tanong na posibleng naka-impluwensya sa resulta.
Ayon kina House Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon, La Union Rep. Paolo Ortega V at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong of Lanao del Sur ang mga tanong na ginamit sa naturang survey ay naka impluwensya sa pananaw ng mga respondents tungkol sa cha-cha.
“The wording of the questions used by Pulse Asia seemed designed to lead respondents towards a particular viewpoint on Charter amendments,” sabi ni Bongalon.| ulat ni Kathleen Forbes