Binigyang diin ni House Special Committee on the West Philippine Sea Chair Neptali Gonzales II ang kahalagahan ng patuloy na paghahain ng diplomatic protest laban sa China.
Ayon sa mambabatas, muka man walang nangyayari sa dami ng diplomatic protest na inihahain ng Pilipinas ay malaking epekto ito hindi lang sa ating pagtindig sa ating teritoryo.
Punto ni Gonzales, mensahe ito ng paninindigan ng Pilipinas sa ating soberanya na malaking bagay para tulungan at suportahan din tayo ng iba pang mga bansa.
Katunayan, nagreresulta ito sa mga kasunduan sa pagpapalakas ng ugnayang pang-depensa gaya ng pinaigting na joint maritime activity ng Pilipinas at Australia matapos ng pulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Australian Prime Minister Anthony Albanese
Maliban dito, nakatutulong din ang ating protesta para masiguro ang malayang paglalayag ng iba pang nasyon sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sabi naman ni Taguig Rep. Pammi Zamora, hindi dapat magpatinag ang ating Sandatahang Lakas sa ginagawang pambubully ng China.
Aniya mahalaga ang tuloy-tuloy na resupply mission sa BRP Sierra Madre kahit laging ginigipit ng mga barko ng China. | ulat ni Kathleen Forbes