Ipinababalik ni House Committee on Metro-Manila Development Chair Rolando Valeriano ang No Contact Apprehension Policy bilang isa sa mga solusyon sa ‘traffic calamity’.
Ayon sa mambabatas mas maigi na ibalik ang NCAP at hayaan ang MMDA na ipatupad ito dahil sila naman ang may mandato na tutukan ang daloy ng trapiko sa kalakhang Maynila.
Pagbibigay diin pa nito na hindi pribadong kompanya ang mangangasiwa sa NCAP bagkus ay ang MMDA lang dapat para hindi maging negosyo.
Kasabay nito ay umapela rin ang mambabatas sa mga otoridad na magdoble kayod sa panghuhuli ng mga kolorum na public utility vehicle upang mabawasan ang mga bumabaybay na sasakyan sa kalsada.
Muli rin nitong binigyang diin ang kahalagahan na malinis mula sa anomang obstruction o sagabal ang Mabuhay lanes na nagsisilbing alternatibong daan ng mga motorista. | ulat ni Kathleen Forbes