Inalis ng Korte Suprema sa tungkulin si Judge Edralin Reyes, ang Acting Presiding Judge sa Regional Trial Court Branch 43, ng Roxas City, Oriental Mindoro.
Sa per curiam decision ng Supreme Court En Banc, napatunayan na kinikikilan ng salapi ni Judge Reyes ang mga abogado at mga litigant sa kaniyang sala kasama na rin ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan.
Sa pag-dismiss sa hukom, pinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na nagkasala si Judge Reyes sa kasong gross misconduct.
Natuklasan ang pangingikil ni Judge Reyes nang ilipat kay Judge Josephine Carranzo na naitalagang Judge ng RTC Branch 39, ang laptop na naka-assign kay Judge Reyes.
Nakita sa laptop ang madalas na pakikipag-usap ng hukom kina Atty. Eduardo M. Magsino, Atty. Marlo E. Masangkay, Atty. Lysander Lascano Fetizanan at Mayor Joselito Malabanan at ang paghingi ng salapi kapalit ang paborableng desisyon.
Bukod sa pagkatanggal sa tungkulin, kinansela na ng Korte Suprema ang retirement benefits ni Judge Reyes maliban sa kaniyang leave credits, habang pinagbawalan na rin na magtrabaho sa lahat ng sangay at mga ahensiya ng gobyerno gayundin sa mga korporasyong pag-aari ng pamahalaan o GOCCs. | ulat ni Michael Rogas