Maituturing na “most dangerous so far” ang huling insidente ng pangha-harrass ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya kaugnay ng ginawang panghaharang, panggigitgit, at pangbobomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas, partikular sa Philippine Coast Guard vessel BRP Sindangan at supply boat Unaizah May 4.
Sa pulong balitaan ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) kahapon, ipinaliwanag ni Malaya, na itinuturing ang insidente bilang pinakadelikadong aksyon ng China sa WPS dahil ito ay nagresulta sa pagkasugat ng apat na tauhan ng Philippine Navy na lulan ng Unaizah May 4.
Ito aniya ang dahilan kung bakit patuloy ang panawagan ngayon ng pamahalaan na itigil na ng China ang mapanganib na agresyon nito laban sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.
Ayon kay Malaya, palaging ipinapanawagan ng China na resolbahin ang isyu sa pamamagitan ng mapayapang dialogo pero hindi na akma dito ang kanilang agresibong pagkilos. | ulat ni Leo Sarne