Dinagsa ng mga residente ng Butuan City at Agusan del Norte ang pinakaunang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Caraga Region ngayong araw (Marso 22) at magpapatuloy hanggang bukas (Marso 23) araw ng Sabado.
Inabangan ng mga tao si House Speaker Martin Romualdez na siyang naging keynote speaker at panauhing pandangal kung saan naghandog ng 200,000 kilo ng bigas para sa mga pre-selected na benepisyaryo ng BPSF.
Pinangunahan naman ng tanggapan ni Agusan del Norte 1st District Representative Jose ‘Joboy’ Aquino ang hosting ng naturang event kabalikat ang iba’t ibang regional line agencies.
Ilan sa mga ito ay ang DSWD Caraga na naghatid ng financial assistance sa ilalim ng programang AICS o Assistance for Individual in Crisis Situation na may 32,000 beneficiaries; TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers ng DOLE Agusan del Norte na may 5,000 benepisyaryo, livelihood assistance na may limang benepisyaryo at livelihood training ng TESDA para sa 150 indibidwal.
Naghandog naman ang DOH Caraga ng libreng medical consultation, gamot, eye test o visual assessment and screening at namahagi din ng wheel chair, tungkod at saklay.
Mayroong Diskwento Caravan at mini trade fair ang DTI Agusan del Norte, namahagi ng seedlings ang DENR Caraga, Kadiwa ng Department of Ageiculture at may pa-arrozcaldo naman ang mobile kitchen ng Butuan City Social Welfare and Development.
Bukod sa social services, isasagawa ang Pagkakaisa Concert, Biyernes ng gabi sa Libertad Sports Complex kung saan may papremyo sa mga maswerteng mabubunot sa raffle draw. | ulat ni May Diez | RP Butuan