Hati ang pananaw ng ilang mga kongresista kaugnay sa pagmamay-ari ng mga sibilyan ng semi-automatic rifle.
Kaugnay ito sa inamyendahang Rules and Regulations (IRR) ng Philippine National Police (PNP) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Aminado si Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Repeesentative Zia Alonto Adiong na wala siyang hilig sa mga baril.
Ngunit sa kaniyang personal na opinyon ay hindi dapat magmamay-ari ng baril ang sibilyan.
Inihalimbawa na lamang nito ang nangyayaring mga mass shooting sa Estados Unidos na isa sa kaniyang pinangangambahan.
“…If you ask me personally, I don’t like civilians, ordinary civilians who just simply own a gun ano. Nakita naman natin based on experience in the United States iyon ang pinakaproblema nila. It’s a national debate hindi ba, kasi may mga mass shootings sa mga schools, may kung anoanong mga krimen ang nangyayari sa kalsada nila we don’t want that to happen here in the country,” ani Adiong.
Gayunman, naniniwala rin si Adiong na paraan din ito para bantayan ang illegal firearms.
“I may also see this as a way to regulate iyong proliferation of unlicensed firearms ano. It could be a way to implement a more stricter regulation on how responsible gun owners should be allowed to have maybe one, maybe two,” paliwanag niya.
Sa panig naman ni Representative Patrick Michael Vargas, sinabi nito na mayroon namang mahigpit na proseso na pinagdaraanan ang isang idibidwal na nais magmay-ari ng baril, at kailngan lang tiyakin na masusunod ang tamang proseso ng pagpaparehistro.
“…Bago ka naman magkaroon ng isang baril kahit hindi pa iyong rifle na semi-automatic ay mayroon namang mga checks and balances na nakalagay na diyan, kaya meron tayong LTOPF, meron tayong Permit to Carry, so dinadaanan iyan ng Psychological and Neuro Test. So, I believe naman na as long as it is strictly implemented, the streets can be safe,” saad ni Vargas.
Ganito rin ang posisyon ni PBA Party-list Representative Migs Nograles.
Aniya, tiwala naman sila na ipatutupad ng PNP ng maayos ang naturang batas. Paraan din aniya kasi ito para agad matukoy ang may-ari ng baril sakaling gamitin sa iligal na aktibidad.
“Yung isang aspeto na gamit sa masamang paraan siguro maganda din ito dahil makikita agad sino ba ang naka-register na owner na gumamit nito sa mga, sana hindi mangyari but if it will be inevitable na mangyayari na ginagamit yung baril, mas madaling mahuhuli at makikita at matrace kung sino may pagmamay-ari na ito. So hopefully, the PNP will really make sure that the enforcement of this is really put into the highest kind of regulation in makita na hindi lang basta-basta ito,” wika ni Nograles. | ulat ni Kathleen Jean Forbes