Isiniwalat ni Senador Raffy Tulfo ang pagkakaroon rin ng mga iligal na istraktura sa loob ng protected area sa Mt. Apo sa Davao City.
Sa isang privilege speech , sinabi ni Tulfo na gusto niyang tingnan din ang mga sumbong tungkol sa mga paglabag sa Mt. Apo Reservation Area.
Aniya, isang mountaineering group ang nagsumbong na naglipana na ang mga resort sa Mt. Apo National Reserve sa Digos, sa bahagi ng Davao Del Sur kabilang na ang Twin Mountain View Resort, MonteFrio Resort at Villa Recurso.
Ipinunto naman ng senador, na matapos ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakaraang taon na nais na maipreserba ang Mt. Apo ay saka lang kumilos bigla ang Protected Area Management Board (PAMB).
Ang aksyon na ito ng PAMB ay ang pagbibigay ng dalawang taong phase out period sa lahat ng mga istraktura sa loob ng Mt. Apo.
Pero giit ni Tulfo, bakit pa kailangang bigyan ng dalawang taong palugit kung malinaw naman na ilegal ang mga istrakturang ito.
Pinuri naman ng senador ang mga non government Organizations (NGOs) na masigasig na nagbabantay para sa protection ng ating mga Protected Areas ng bansa
Sa ngayon ay nai-refer na sa Senate Committee on Environment ang privilege speech ni Tulfo. | ulat ni Nimfa Asuncion