Naghain ng resolusyon sa Kamara si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla upang silipin kung naipatutupad ba ng tama ang Foundling Recognition and Protection Act.
Sa kaniyang House Resolution 1616, inaatasan ang House Committee on the Welfare of Children na magdaos ng inquiry kaugnay sa “safe haven” provision ng naturang batas.
Lubhang ikinabahala ng lady solon ang magkakasunod na ulat tungkol sa mga inabandonang sanggol kung saan isa dito ang natagpuan pang wala nang buhay.
“Hindi po ang comfort room ng isang gasoline station o eco-bag ang tamang lugar para sa bagong silang na supling. Kahit pa ilagak siya sa loob ng isang simbahan, kung wala naman nakarinig sa kanyang pag-iyak, hindi po natin matutulungan ang bagong panganak na sanggol.” sabi ni Mercado-Revill.
Binigyang diin pa ng mambabatas na moral obligation nilang mga opisyal ng pamahalaan na protektahan ang mga walang kalaban-laban at inosenteng mga bata.
Salig sa batas may mga itinalagang safe haven kung saan maaaring iwan ng mga magulang ang pangangalaga sa kanilang mga anak nang walang legal repercussions.
Mahalaga rin aniya na ipabatid sa publiko ang isyu na sasabayan nv educational campaign kaugnay sa umiiral na batas at pagbibigay na rin ng councelling sa mga nagbubuntis o expectant parents. | ulat ni Kathleen Forbes