Bahagyang bumilis ang inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa sa buwan ng Pebrero ngayong 2024.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 3.4% ang inflation nitong Pebrero, mas mataas ito sa 2.8% inflation noong Enero habang mas mabagal naman kung ikukumpara sa 8.6% inflation sa kaparehong buwan ng 2023.
Dahil dito, ang average inflation mula Enero hanggang Pebrero ay nasa 3.1%.
Sa kabila nito, pasok rin naman ito sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nasa 2.8%-3.6%.
Paliwanag ni PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, nangungunang dahilan ng pagbilis ng inflation ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages partikular ang kamatis, karne ng baboy, at bigas.
Nakaambag din aniya sa inflation ang transport dahil sa pagbilis ng galaw ng presyo sa gasolina at diesel sa bansa.
Bukod rito, tumaas rin ang inflation sa kuryente at renta sa bahay.
Samantala, bumilis din sa 3.2% ang headline inflation sa National Capital Region (NCR), mula sa 2.8% noong Enero.
Bunsod din ito ng pagbilis sa inflation sa food at non alcoholic beverages kabilang ang kamatis at karne ng baboy at gayundin ang transport o bilis ng taas-presyo sa gasolina at diesel. | ulat ni Merry Ann Bastasa