Iginiit ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na karapatan ng mga Pilipino na makakuha ng international standard na edukasyon.
Sa kaniyang interpelasyon sa pagsalang ng Resolution of Both Houses No. 7 o panukalang economic charter change partikular sa Section 14 o sektor ng edukasyon, binigyang diin ni Garin na ang international standard ng edukasyon ay hindi dapat nalilimitahan sa iilang indibidwal na may kakayahan na makalipad sa ibang bansa.
Kaya aniya mahalaga ang pagbubukas ng Pilipinas sa foreign-owned institution, para lahat ng mag-aaral ay mabigyan ng pagkakataon na maging globally competitive.
Sabi pa ng Iloilo solon, hindi sila maaaring magkunwari dahil sila mimso ay nakapag-aral abroad o kung hindi man sila, ay ang kanilang mga anak.
“We cannot live in hypocrisy, Mr. Chairman, because if we remain as hypocrites, saying na ang Pilipinas ay para lamang sa mga Pilipino. Tayo po ay lulubog kasi karamihan sa atin dito ay palaging nag-aabroad para mag-aral, nagpapa-aral ng mga anak sa abroad, gustong-gusto natin ang competitive standards sa abroad because we want to be more competitive… That is a prerogative that should be given to every Filipino child,” punto ni Garin.
Hindi rin aniya sapat na dahilan para pigilan ang pagpasok ng dayuhang educational institution ang pangamba na mawala ang pagkamakabayan ng mga Pilipinong mag-aaral.
Aniya, hindi naman makakabawas sa pagkamakabansa ng isang Pilipino kung hangarin nito ang mas magandang edukasyon
“We’re talking about here pure Filipino, we’re talking about here patriotism but does it make you less of a Filipino kung hangarin mong magkaroon ng mas magandang edukasyon. Does it make you less of a Filipino if you aspire to be competitive and teach our future generation and give them that opportunity na sa ngayon nakakamit lang ng mamayaman sa Pilipinas?” tanong niya. | ulat ni Kathleen Forbes