Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na magiging positibo ang resulta ng mga ipatutupad na programa ng Pamahalaan na may kinalaman sa pagpapalakas ng labor force ng bansa.
Ito ang tinuran ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan makaraang makapagtala ng 4.5 percent na unemployment rate nito lamang buwan ng Enero batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bukas, nakatakdang lagdaan ni Balisacan ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Trabaho para sa Bayan Act kasama si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa punong tanggapan ng NEDA sa Pasig City.
Una nang ipinagmalaki ng NEDA na napanatili ng Pilipinas ang mga job-generating investment nito sa pamamagitan ng pagtugon sa skill mis-matches sa labor market.
Kasunod nito, sinabi ni Balisacan na patuloy ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglikha ng mga paraan upang mapabuti ang business environment sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala