Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na pumanaw na si Ricardo Zulueta, isa sa mga itinuturong akusado sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Sa impormasyong ipinabatid ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, pumanaw si Zulueta dakong alas-11 kagabi, Marso 15.
Bago ito, isinugod sa Bataan Peninsula Medical Center sa Brgy. San Ramon sa bayan ng Dinalupihan, lalawigan ng Bataan si Zulueta matapos makaranas ng hirap sa paghinga.
Matapos ang isang oras, idineklarang patay si Zulueta ng tumingin na doktor dahil sa chronic kidney disease at heart failure.
Agad namang dinala ang labi ni Zulueta sa Holy Life Funeral Services, Brgy New San Jose, Dinalupihan Bataan at kalauna’y dinala naman sa Brgy Mabiga, Hermosa, Bataan.
Si Zulueta na dating Deputy Security Officer ng Bureau of Corrections ay kapwa akusado ni dating BuCor Director General Gerald Bantag sa 2 patong na kasong murder o pagpatay kina Percy Lapid at sa sinasabing middleman sa kaso na si Jun Villamor.
Kasalukuyang dinirinig ang kaso sa Las Piñas City Regional Trial Court. | ulat ni Jaymark Dagala