Kinumpirma ng Department of Agriculture na nakarating na kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga report kaugnay ng umano’y nawawalang milyon-milyong halaga ng coffee seedlings.
Mula ito sa idinulog ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI).
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagamat wala pang iniuutos ang kalihim na pormal na imbestigasyon sa isyu, pinasisilip naman na aniya nito ang mga dokumento sa ipinatutupad na programa sa kape ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Giit nito, mahalaga sa kalihim na agad matugunan ang mga isyung tulad nito at handang agad na magsagawa ng malawakang review kung kinakailangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa