Nais malaman ng isang mambabatas kung may sapat na kakayanan at kahandaan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa forest fires.
Sa House Resolution 1603 ni Benguet Rep. Eric Yap, binigyang diin nito na mahalagang malaman kung may kapasidad ang bansa sa pagtugon sa forest fires upang maiwasan o mapigilan ang naturang sakuna at para makapaglatag ng aksyon para sa rehabilitasyon o reforestation ng mga apektadong kagubatan o iba pang katulad na lugar.
Tinukoy ng mambabatas na sa nakalipas na taon ay naitala ang iba’t ibang forest fires, gaya sa Cordillera region dahil sa “kaingin” at tagtuyot lalo na sa pagitan ng Enero at Abril.
Batay aniya sa datos ng Bureau of Fire Protection, ang forest fires sa Cordillera region ay tumaas sa 100 noong 2023, kumpara sa 41 noong 2022; habang grass fires ay pumalo sa 62 mula sa 22 noong 2022.
Sabi pa ng mambabatas na ang nangyaring forest fire sa iba’t ibang lugar sa Benguet nito lamang Enero at Pebrero 2024 ay nakaapekto din sa turismo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes