Nanindigan si House Committee on Legislative Franchises Chair at Parañaque City Rep. Gus Tambunting na sinunod ng kamara ang due process at binigyang na rin ng sapat na panahon si Pastor Apollo Quiboloy para ipaliwang ang kaniyang panig.
Ito ay kasunod ng contempt order na inilabas ng komite laban sa pastor matapos bigong dumalo pa rin sa kanilang pag-dinig kaugnay sa panukalang pag-bawi sa prangkisa ng SMNI.
Sabi ni Tambunting sa kanilang anim na pag-dinig na tumagal ng limang buwan ay mas maraming oras ang ibinigay sa kampo ng SMNI para magpaliwanag.
“…as far as due process is concerned, dito po sa hearing namin, six months has been given, five months of hearing, six hearings were conducted. And palagay ko, mas maraming sinabi ang kampo ni SMNI kesa po sa mga congressmen. Talaga po lahat po ng kanilang paliwanag ay ating pinakinggan at pinagbigyan po natin lahat ng katanungan nila,” ani Tambunting.
Maliban dito, pinagbigyan din aniya ng komite ang kahilingan ng kampo ni Quiboloy na huwag muna ipatupad ang contempt order upang mabigyang pagkakataon ang legal counsel nito na si Atty. Ferdinand Topacio na makausap ang kliyente.
“The mere fact na nagbigay pa rin ng palugit ang committee ng tatlong araw on the request of Atty. Topacio just shows you kung gaano hong kaluwag ang committee sa pagbibigay po ng lahat po ng request nila. Maski na po sa limang buwan ni minsan ay hindi dumating si Pastor Quiboloy – inimbitahan po siya apat na beses – ay pinagbigyan pa rin na on the special request of Atty. Topacio na bigyan po hanggang Biyernes,” sabi pa niya.
Nang matanong naman ang mambabatas kung kumpiyansa ba itong makukumbinsi ni Topacio si Quiboloy na humarap sa Kamara, tugon ni Tambunting na hanggang may buhay ay hindi sila mawawalan ng pag-asa na mangyari ito. | ulat ni Kathleen Forbes