Posibleng ipaubaya na ng Kamara sa Senado ang pag-aresto sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez, pangunahing author ng panukalang revocation ng prangkisa ng SMNI, ang network na itinatag ni Quiboloy, mayroon ding pending detention order para sa pastor sa Senado.
Ngunit ang kaibahan aniya nila ay natapos na ng House Committee on Legislative Franchises ang kanilang pagdinig at naaprubahan na ang panukala sa ikalawang pagbasa, habang sa Senado ay nagpapatuloy pa ang hearing.
Kaya naman para kay Gutierrez mas maigi na Senado na lang ang magpa-aresto.
Ngunit nasa kamay pa rin aniya ito ng liderato ng Kamara.
“…It’s a special circumstance kasi while we have this pending detention order, there is also one in the Senate for a hearing that is actually continuing. Kasi if you take a look at ours, tapos na po iyong franchise revocation although it might be considered na since continuing pa naman iyong inquiry on fake news and red tagging, they could still be included pero baka mas appropriate that the detention order be with the Senate,” ani Gutierrez.
Ganito rin ang sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe sa hiwalay na panayam.
Aniya kung maaprubahan na sa Kamara sa ikatlong pagbasa ang franchise revocation ay hindi na kailangan ipatupad ang contempt at arrest order.
Ngunit sakali naman na hindi ito lumusot ay enforceable pa rin aniya ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes