Dapat nang kalimutan ng mga kritiko ang duda nila na mahahaluan ng usaping politika ang panukalang amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Ito ang binigyang-diin ni Senior Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr. sa gitna ng inaasahang pagpapatibay ng Kamara sa Resolution of Both Houses No. 7 o Economic Charter Change sa ikatlo at huling pagbasa sa darating na Miyerkules.
Aniya, sinunod ng Kamara ang gabay at atas ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ituon ang amyenda sa 1987 Constitution sa economic provisions kaya’t walang anomang political amendment lalo na ang term extension na kasama sa bersyon ng RBH7 na inaprubahan sa ikalawang pag-basa.
“Speaker Romualdez and the rest of us in the House have honored our word and followed the guidance of our President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. that we would work only on proposing economic amendments,” saad ni Gonzales.
Sabi pa niya na ni isang miyembro ay walang isinulong na political amendment habang tinatalakay ito.
“We have proven the doubters wrong. No term extension proposal for any elective official. I hope they will now believe President BBM’s statement that his advocacy was confined only to changing the economic provisions,” dagdag niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes