Walang sasantuhin ang House Committee on Agriculture and Food sa gagawin nilang imbestigasyon ukol sa bigas scam o pagbebenta ng National Food Authority (NFA) sa rice stock sa mga piling trader sa paluging halaga.
Ani Quezon Rep. Mark Enverga, chair ng Komite, inatasan mismo sila ni Speaker Martin Romualdez na gawing prayoridad ang pagsisiyasat sa naturang isyu.
Ayon kay Enverga, tuloy na bukas (March 7) ang imbestigasyon, at imbitado rito ang mga opisyal o kinatawan ng NFA, at iba pang kaukulang ahensya at sektor.
Kasama rin sa nais matukoy ng mga mambabatas ay kung panahon na bang repasuhin ang charter ng NFA.
Ani Enverga, bilang ito ay investigation in aid of legislation, inaasahang matutukoy kung may halaga pa ba ang NFA o may mga kailangan baguhin sa kanilang kapangyarihan at mandato. | ulat ni Kathleen Jean Forbes