Asahan pa raw na may 2.2 milyong plastic cards para sa paggawa ng driver’s license ang ma- idedeliver sa Land Transportation Office (LTO) sa buwan ng Mayo 2024.
Pahayag ito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ng magsagawa ng inspeksyon sa isang milyong plastic card na nai-deliver noong Lunes sa LTO.
Sapat na raw ito upang paliitin ang backlog ng plastic-printed driver’s license.
Sinabi ni Bautista na inihatid ang plastic cards matapos alisin ng Court of Appeals (CA) ang injunction order sa paghahatid ng natitirang 3.2 milyon plastic cards.
Ang mga na-deliver na plastic card ay dadaan muna sa pagsusuri ng Department of Science and Technology para malaman kung nakasunod sa terms of reference ng kontrata, partikular sa aspeto ng security features.
Kapag na-clear na ng DOST inspection ang mga inihatid na plastic cards, agad itong ida-download sa mga regional offices para sa pagsisimula ng pagproseso at pag-claim sa Abril 15. | ulat ni Rey Ferrer