Itinuturing ngayon na suspek ang kasambahay sa natagpuang bangkay ng mag-asawang Chinese sa loob ng kanilang bahay na nasunog sa Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City kagabi.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng QC SOCO Forensic Unit, bukod sa duguan at mga tama sa ulo ng mag-asawang kinilalang sina Jose Arsenio at Elizabeth Dolliaga Chua, natagpuan din sa pinangyarihan ng krimen ang isang pipe wrench, dumbbell, at kitchen knife habang nasamsam sa kamsambahay na si Marilyn Pandita ang isang ice pick, plane ticket, cash money, at iba pang personal na gamit sa bag ng suspek.
Nakasaad din sa report, habang iniimbestigahan sa loob ng barangay hall ang suspek ay nagkaroon ito ng pagkakataon na tumakas pero nahabol at nadakip ito ng mga barangay tanod sa kanto ng 15th Avenue, Brgy Socorro, Quezon City.
Matatandang umabot sa unang alarma ang sunog matapos ideklarang fire out bandang alas-9:40 kagabi, dito natagpuan na wala nang buhay at duguang katawan ng mga biktima sa loob ng kanilang kwarto.
Ang mga labi ng mag-asawa ay dinala sa punerarya para sa safekeeping at autopsy habang ang suspek ay isasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya.| ulat ni Diane Lear