Nilinaw ni Police Regional Office (PRO) 4A Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas na tuloy pa rin ang kaso laban sa film director at tatlo nitong kasamahan na sangkot umano sa panununog ng modern jeepney sa Catanauan, Quezon.
Ang paglilinaw ay ginawa ng opisyal matapos ipag-utos ng korte ang pagpapalaya kay Jade Castro at sa mga kasamahan nito dahil kwestyonable ang pagkakaaresto sa kanila ng PNP sa pamamagitan ng hot pursuit.
Sa isang kalatas, sinabi ni Brig. Gen. Lucas, na sa kabila ng pagpapalaya ng korte sa mga suspek, pinahintulutan nito ang pagsulong ng kasong “Destructive Arson” na inihain ng prosekusyon laban sa kanila.
Binigyang diin ni Brig. Gen. Lucas na ang kaganapan ay hindi nakakaapekto sa determinasyon ng PNP na isulong ang imbestigasyon hanggang sa makamit ang hustisya.
Tiniyak ni Brig. Gen. Lucas na susundin ng PNP ang legal na proseso sa pagsasagawa ng case-build up para mapanagot ang mga responsable sa krimen. | ulat ni Leo Sarne