Nilagdaan ng mga pinuno ng anim na lalawigan, tatlong siyudad at 39 na munisipalidad ang isang kasunduan kasama ang Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) na magsusulong ng mga Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Projects sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa ilalam ng kasunduang nilagdaan ni Presidential Peace Adviser Sec. Carlito Galvez Jr. kasama ang 43 gobernador at alkalde sa Philippine International Convention Center noong nakaraang Huwebes, 70 PAMANA projects sa buong bansa ang itatayo sa taong ito.
Kabilang dito ang road concreting and improvements projects; farm-to-market roads, mga tulay, farmers training centers, water systems, rainwater collectors at water storage tanks.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ni Sec. Galvez ang kahalagahan ng papel ng mga local chief executive sa pagsulong ng kapayapaan at kaunlaran.
Nanawagan ang kalihim sa mga lokal na pinuno na epektibong ipatupad ang mga PAMANA projects dahil ito ay makakatulong sa pagwawakas ng armadong pakikibaka. | ulat ni Leo Sarne